-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Hindi naitago ng mga magsasaka ng tabako sa lalawigan ng Pangasinan ang pagkadismaya at pagkalungkot matapos na lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa mataas na kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na nagpapataw ng dagdag na buwis sa sigarilyo.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Saturnino Distor, ang pinuno ng Field Tobacco Growers Association, nakakalungkot daw na ipinasa ito gayong hindi man lang kinokonsidera ang napakarami nilang hinaing.

Aniya, mabuti pa raw si fighting Sen. Manny Pacquiao, dahil nakapaghahanda ito sa mga laban subalit silang mga magsasaka ng tabako ay hindi na nabigyan pa ng pagkakataon.

Batay sa bersiyon ng Senado, nilalayong itaas sa P45 hanggang P60 kada pakete ang excise tax simula sa susunod na taon hanggang taong 2023, pagkatapos ay 5% na taunang dagdag buwis naman epektibo Enero 1, 2024.