-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Nakatanggap ng certified inbred seeds mula sa Department of Agriculture – Philippine Rice Research Institute (DA-PhilRice) ang mga magsasakang benepisyaryo mula sa bayan ng Pigcawayan Cotabato.

Ang naturang mga benepisyaryo ay ang mga magsasakang nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).

Nitong nakaraang linggo, nasa mahigit 8,300 bags, sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) – Seed Program, ang natanggap ng mga farmer beneficiaries mula sa Brgy. Upper Baguer, Tubon, Capayuran, at Bulucaon ng bayan ng Pigcawayan.

Sa paghahatid ng naturang ayuda sa mga nabanggit na barangay, na mga liblib na lugar sa bayan, ay dumiskarte naman ang lokal na pamahalaan ng Pigcawayan sa pamamaraan nito na gawing barangayan dahil sa limitado pa din ang mga pampublikong sasakyan rito.

Magpapatuloy naman ang pamamahagi nito sa iba pang mga barangay sa Pigcawayan sa mga susunod na araw.

Nagpasalamat LGU-Pigcawayan sa DA-PhilRice dahil sa ayudang natanggap mula sa ahensiya.