Papasok na ang Kamara sa imbestigasyon kaugnay ng hinaing ng mga magsasaka ng Yulo King Ranch sa Palawan.
Ayon kay ACT Teachers partylist Rep. France Castro ,dumulog sa kanyang tanggapan ang mga lider ng hindi bababa sa 1,000 magsasakang benepisyaryo sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Kabilang sa mga dumulog ang mga magsasaka mula sa mga Barangay Decalachao, Guadalupe, San Jose, San Nicolas sa Coron at mga BArangay ng Quezon, New Busuanga, Cheey and Sto. Nino sa karatig bayan ng Busuanga.
Hinikayat ni Castro ang mga apektadong magsasaka na manindigan kontra sa mga oligarkong walang kinikilalang batas, kasabay ng pagtitiyak na patuloy na babantayan ng Kongreso ang aksyon ng gobyerno.
Sa tala ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan o Kasama, hindi bababa sa 1,000 magsasakang benepisyaryo ang pinagkaitan ng lupang sakahan batay sa probisyong kalakip ng Republic Act 6657 o ang CARP Law.
Taong 2014 nang maglabas ng ulat ang National Fact Finding and Solidarity Mission (NFFSM) hinggil sa Yulo King Ranch na tinawag na “largest agrarian reform anomaly in the country.”
Ayon kay Castro, kabilang sa kanilang iimbitahan sa pagdinig si Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Ma. Antonia Yulo-Loyzaga.
Bukod sa Yulo King Ranch, sinasabing nasa ilalim din ng pangangasiwa ng kalihim bilang executor ng YKR Corporation ang malawak na lupain sa mga lalawigan ng Masbate at Laguna.