Dinagsa ng mga magsasaka ang karamihan sa mga bodega ng National Food Authority sa iba’t ibang dako ng bansa matapos na simulan nito ang pagbili ng palay sa mataas na halaga.
Ang mainit na suporta ng mga magsasaka ay ikinatuwa naman ni NFA Acting Administrator Dr. Larry del Rosario Lacson.
Ayon kay Lacson, sa kanyang naging pag-iikot ay nasaksihan niya ang kagustuhan ng mga magsasaka na mabili ang kanilang aning palay sa mataas na halaga.
Kabilang sa mga lugar na tinutukan nito ay ang ilang NFA warehouse sa Bulacan, Tarlac, at Nueva Ecija kamakailan.
Patunay rin aniya ito na naging epektibo ang hakbang na ito ng pamahalaan para muling maakit ang mga magsasaka na sa NFA magbenta ng aning palay.
Batay sa datos, pumalo sa 20,000 palay bag ang ibinenta ng mga magsasaka sa kanilang ahensya sa loob ng dalawang araw.
Buo naman ang tiwala ng ahensya na mas marami pa silang mabibiling palay mula sa mga magsasaka para maabot nito ang target na 300,000 MT na palay ngayong taon.