Iginiit ni Agriculture Sec. Manny Piñol na wala umanong dapat na ikatakot ang mga magsasaka ukol sa pag-aangkat ng bansa ng bigas.
Sinabi ni Piñol, hindi raw dapat na mabahala ang mga ito sa balak ng pamahalaan na i-liberalize ang rice importation.
Siniguro ng opisyal na hindi umano magiging dahilan sa pagtigil ng produksyon ng local rice ang pag-angkat ng bigas.
Katwiran ng kalihim, limitado lamang ang world supply ng bigas kung saan tataas ang presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado kapag tumaas ang importation ng bansa.
Binigyang-diin din ni Piñol na hindi umano habambuhay na sasandal ang Pilipinas sa Vietnam, Thailand at iba pang mga rice exporting countries dahil sa lumalago rin ang populasyon ng naturang mga lugar.
Nitong Pebrero nang lagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Rice Tarrification Law kung saan inaalis nito ang limitasyon sa pag-aangkat ng bigas mula sa ibang bansa.