CAUAYAN CITY- Muling ipinaalala ng Public Order and Safety Division (POSD) ang mga ipinagbabawal sa pagdalaw sa mga private at public cemetery kasabay ng nalalapit na paggunita ng undas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Malillin, sinabi niya na kabilang pa rin sa mga ipinagbabawal sa loob ng mga sementeryo ang pagdadala ng mga patalim at nakakalasing na inumin.
Kinakailangan ding sundin ang mga health protocols sa loob ng sementeryo tulad ng pagsusuot ng facemask, physical distancing, at pagsunod sa curfew.
Una nang naglabas ng executive order number 20-2021 ang pamahalaang lungsod na naglilimita sa 30 percent venue capacity ng mga sementeryo simula noong ikalabing lima ngayong Oktubre hanggang ikalabinglima ng Nobyembre.
Laman din ng Executive Order na sarado ang mga pribado at pampublikong sementeryo sa Cauayan mula ikadalawampu’t siyam ngayong Oktubre hanggang ikaapat ng Nobyembre.
Ayon kay POSD Chief Malillin, simula ikadalawamput siyam ngayong Oktubre ay ikakandado na nila ang mga sementeryo na may gate habang babantayan naman ng POSD at mga force multiplier sa mga barangay ang iba pang mga sementeryo upang matiyak ang mahigpit na implementasyon ng executive order.
Binigyang diin naman niya na hindi nila pagbibigyan sakali mang may mga paisa-isang magpupumilit pa rin na pumasok sa mga sementeryo sa mga araw na sarado.