-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Nanawagan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga magulang na patibayin pa nito ang kanilang relasyon at monitoring sa kanilang mga anak nang sa gayon ay hindi ma-recruit ang mga ito ng New People’s Army (NPA).

Ayon kay Lt Col Roberto Oba-ob, commanding officer ng 78th IB, na palawak na ng palawak sa ngayon ang sakop ng NPA para lamang makapaghikayat ang mga ito sa kung sino ang tutulong sa kanila.

Isa na rito ang mga eskwelahan na kung saan dahan-dahan na hinihikayat ng mga makaliwang grupo ang mga estudyante at makiisa sa kanila na labanan ang gobyerno sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga isinasagawang rally at iba pang mga aktibidad hanggang sa maengganyo ang mga kabataan na sumama sa bundok.

Payo naman nito sa mga magulang na dapat ay alamin ang sinasamahang organisasyon o grupo ng kanilang mga anak at kilalaning mabuti ang mga kinakasama nito lalo na kung may malaking pagbabago na sa kilos ng mga ito.

Sinasabing batay sa latest data ay umaabot na sa 513 na mga kabataan ang na-recruit ng CPP-NPA mula taong 1999 hanggang 2019.