ROXAS CITY – Hindi pa rin makapaniwala ang Capizeña student na hihirangin itong topnotcher sa inilabas na resulta ng 2019 Agriculturist Licensure Examination.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay Layka Aguro Servidad ng Barangay Tiza, Roxas City, sinabi nito na nasorpresa siya ng sinabihan ng ilang kaibigan sa Central Philippine University na pumangatlo siya sa naturang eksaminasyon na nakakuha ng 88.83%.
Aniya napaiyak na lamang siya sa tuwa dahil hindi nito inaasahang mangingibabaw siya sa higit 13,000 na mga estudyante kumuha ng licensure exam.
Inihayag nito na labis-labis ang kaniyang pasasalamat sa Diyos at sa kaniyang pamilya at kaibigan dahil sa ipinaramdam na suporta sa kaniya.
Aminado rin ito na hindi naging madali ang kaniyang mga pinagdaanan sa pag-aaral hanggang sa ito ay makapagtapos.
Ngunit bilang isang agriculture student ay malaking impluwensiya umano ang kaniyang mga magulang na pawang dating empleyado ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Sa kasalukuyan ay pinagtutuunan ngayon ng pansin ni Servidad ang kaniyang pag-aaral ng Veterinary Medicine sa Nueva Ecija.