Papanagutin ng Philippine National Police ang mga magulang ng mga menor de edad na umano’y biktima ng pang-aabuso ni KOJC founder Pastor Apollo Quiboloy dahil sa pagpayag ng mga ito na maging subject ang kanilang mga anak sa naturang masamang gawain.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, ang mga magulang ng mga inabusong bata ay miyembro ng KOJC at lumabas na alam nila na ang kanilang mga minor na mga anak na nasa murang edad pa lamang na 12 at 13 anyos, ay dadalhin sa silid ng pastor.
Saad pa ni Col. Fajardo na hindi niya maunawaan kung bakit naatim ng naturang mga magulang na ipikit na lamang ang kanilang mga mata sa ngalan ng pananampalataya dahil hindi aniya ito tama. Wala din aniyang magulang ang dapat na pahintulutang gamitin ng sinumang indibidwal ang kanilang mga anak.
Sinabi din ng PNP official na kapag mapatunayang nangyari talaga ang sekswal na pang-aabuso sa mga biktima, papanagutin ang kanilang mga magulang.
Samantala, nauna ng sinabi ni PNP chief Gen. Rommel Marbil na ang ilang mga minor ang lumapit sa mga kapulisan sa kanilang 16 na araw na paghalughog sa KOJC compound sa Davao city para humingi ng tulong.
Sa ngayon ayon naman kay Col. Fajardo, prinoproseso na nila ang pag-dokumento sa mga salaysay ng mga bagong biktima. Maghahain din ang PNP ng karagdagang kaso laban sa nakakulong na pastor bukod pa sa nagpapatuloy na paglilitis.