Walang records sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang mga magulang na nakalagay sa birth certificate ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ito ang ibinunyag ni PSA director for legal services Eliezer Ambatali.
Kayat may posibilidad aniya na ang umano’y magulang ng alkalde na sina Amelia Leal at Angelito Guo ay fictitious lamang o posible din na hindi lang nakapagparehistro sa PSA.
Bunsod nito, ayon sa PSA official maaaring maghain ng kaso ang sinuman para kanselahin ang birth certificate ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sakaling magpasya ang korte na kanselahin ang birth certificate ni Mayor Guo, babalik ito sa “floating status”.
Sa kabila nito, may karapatan naman aniya si Guo na maghain ng petisyon para maitama ang maling records sa kaniyang birth certificate.
Una rito, kasalukuyang iniimbestigahan si Mayor Guo ng mga ahensiya ng gobyerno maging ng partido nito na Nationalist Party Coalition bunsod ng kwestyonableng nasyonalidad nito dahil sa pagkakasalungat ng kaniyang government records.
Samantala, inamin naman ni Ambatali na marami pa ring mga Pilipino ang walang birth records kung saan nasa 3 million ang hindi narerehistro na kabilang sa vulnerable groups.
Mayroon ding 17 local civil registries ang kasalukuyang iniimbestigahan dahil sa di pangkaraniwang bilang ng mga naantalang magparehistro ng kanilang kapanganakan.