Inamin ni Makati City Mayor Abby Binay na pahirapan umano ang pagkumbinsi sa mga mahihirap na magpaturok ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Binay, pakiramdam daw kasi ng mga nasa lower class ay hindi na ito kailangan dahil karamihan naman sa mga ito ay hindi halos lumalabas sa kanilang bahay.
“Feeling ko it comes from lower class, because those are the ones that have been imprinted and…’yung na-trauma doon sa Dengvaxia,” wika ni Binay.
“So yung hindi magpapabakuna, hindi ka lang magpapabakuna, sa bahay ka lang. Hindi ka naman magtatrabaho, so they don’t feel there is a need to have themselves vaccinated,” dagdag nito.
Kung ihahambing naman sa mga nakatatanggap ng mababang income, inihayag ni Binay na mas bukas magpabakuna ang mga nasa middle class dahil aktibo at regular na nagtatrabaho ang mga ito.
Una rito, sinabi ni Interior Usec. Jonathan Malaya na ang pinakamalaking hamon para sa mga lokal na pamahalaan sa isasagawang COVID-19 inoculation drive ay ang mababang demand sa kanilang mga target recipients.
Sinabi na rin ng mga health experts ang tiwala ng publiko sa mga bakuna ay ang sunod na hamong haharapin sa harap ng COVID-19 pandemic.