BAGUIO CITY – Posibleng mapalawak o madagdagan pa ang mga makakasuhan sa pagmaltrato kay 4th Class Cadet Darwin Dormitorio base na rin sa mga lumalabas na impormasyon na nakukuha ng legal council ng Pamilya Dormitorio.
Ito ay ayon sa mga lumalabas ngayon na mga impormasyon mula sa mga sources ng Bombo Radyo Baguio kaya hanggang ngayon ay di pa naisasampa ang mga kaukulang kaso laban sa mga nangmaltrato kay Cadet Dormitorio.
Gayunman, tumangging magbigay pa ng karagdagang impormasyon ang abogado ng Pamilya Dormitorio ukol sa isyu.
Ayon kay PCol. Allen Rae Co, direktor ng Baguio City Police Office, aabangan na lamang ang susunod na hakbang ng Pamilya Dormitorio at ng abogado ng mga ito.
Una rito, sinabi ni PCol. Co na mauunang masasampahan ng kaso ang mga pitong suspek na mga kadete ng paglabag sa Anti-Hazing Law and/or murder.
Kinumpirma naman ni Atty. Jose Adrian Bonifacio, legal council ng Pamilya Dormitorio na hindi lang iisa ang kasong isasampa laban sa mga suspek.
Gayunman, sinabi niya na hindi muna nila isasampa ang kaso dahil kailangang kompleto at pulido ang ito para hindi maibasura lamang sa piskalya.
Una ng nakilala ang mga suspek na sina Cadet 3rd Class Felix Lumbag Jr., Cadet 3rd Class Shalimar Imperial Jr., Cadet 1st Class Axl Rey Sanopao, Cadet 3rd Class John Vincent Manalo, Cadet 2nd Class Christian Zacarias, Cadet 3rd Class Rey David John Volante at Cadet 3rd Class Julius Carlo Tadena.