Tiniyak ng Department of Health (DOH) na sasagutin ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang medical expenses ng mga pasyenteng makararanas ng adverse effects matapos maturukan ng coronavirus disease (COVID-19) vaccine.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ang mga gastusin ay saklaw ng ipinapatupad na case rates ng state health insurance firm.
“Actually, they are going to use the existing case rates. Itong existing case rates kasi natin kapag, halimbawa, may mga adverse reactions tapos kailangan ma-ospital ng isang tao, papasok iyon doon and they are covered and merong existing funds ang PhilHealth for 2021 for these case rates na ito, so meron po,” wika ni Vergeire.
Una rito, sa isang pagdinig sa Senado, inilutang ni Health Sec. Francisco Duque ang ideya na ipahawak sa PhilHealth ang panukalang indemnity fund para sa mga makatatanggap ng COVID-19 vaccine.
Nag-ugat ang mungkahi sa pagtalakay ng Senate finance committee sa mungkahing ibigay ang indemnification funds sa mga makakaranas ng side effect ng bakuna.
“This will be covered by PhilHealth through that benefit package. But again, that was not included in the corporate operating budget for 2021. And so I would like to suggest that if any fund may be identified or a source be identified to fund this particular indemnification. Siguro ang dapat mag-administer nung funding na yun, yun nang PhilHealth para sila na yung gagawa ng benefit package,” wika ni Duque.
“So instead of giving it straight to people as a compensation for whatever side effects they might experience, it will be PhilHealth, through reimbursements to hospitals, that will provide the cure for the treatment of the adverse effects,” dagdag nito.
Inaasahan na ngayong buwan na darating ang unang batch ng COVID-19 vaccines mula sa COVAX facility ng World Health Organization.