Iniulat ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang boluntaryong paglabas ng mga malalaking Philippine Offshore Gaming Operators(POGO) mula sa Pilipinas patungo sa ibang bansa.
Batay sa monitoring ng naturang ahensiya, marami umano sa mga operator ang tuluyang lumisan sa bansa at nagtungo sa iba pang Southeast Asian countries.
Kabilang sa mga natukoy ng PAOCC na tinungo ng mga operator ay ang Cambodia, Thailand, at Myanmar.
Sa kasalukuyan, tanging ang mga ‘remnants’ o natitirang bahagi na lamang ng mga malalaking POGO ang binabantayan at isinasailalim sa mga serye ng operasyon sa pagtutulungan ng mga law enforcement agencies.
Isa sa mga tinututukan ng PAOCC aniya ay ang tuluyang pagpapalabas o pagpapadeport sa mga Chinese at iba pang naarestong dayuhan sa mga serye ng operasyon.
Kahapon (April 11) ay tuluyan ding ipina-deport ng PAOCC ang 84 na Chinese nationals na dati pang naaresto sa mga naunang operasyon.
Ang mga ito ay nagtrabaho sa iba’t-ibang kilalang POGO hub tulad ng Zun Yuan Technology sa Bamban, Tarlac; 3D Analyzer Information Tech sa Pasay City; Dayign Leisure Guodian Technology sa Parañaque City, sa makeshift scam farm sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Malaking hamon din aniya ang kawalan ng akma at legal na travel documents ng mga natitirang foreign POGO workers kaya’t hindi sila boluntaryong makalabas sa Pilipinas. Ang mga ito ay hindi boluntaryong makabalik sa bansa kung saan sila nagmula.
Posibleng pinipili na lamang umano nila na magpalipat-lipat ng tinitirhan, at ipagpatuloy ang gumawa ng mga iligal na aktibidad kaysa mahuli sila at tuluyang ipadeport pabalik sa kanilang bansa.