CAUAYAN CITY – Umabot na sa mahigit P22 million ang naitalang pinsala sa imprastraktura sanhi pa din ng nagdaang malawang pagbaha sa Lunsod ng Ilagan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa talaan ng City Planning and Development Office, umabot na sa P12 million ang naitalang pinsala sa pagkasira ng mga kalsada.
Ilan umano sa mga kalsada ay lumubog at bumigay dahil sa malakas na agos at mataas ng antas ng tubig ngunit maari pa ring daanan ng mga residente at mga motorista sa kabila ng naitalang pinsala.
Sanhi naman ng pag-apaw ng tubig mula sa mga ilog ay ang malalaking troso na naanod mula sa kabundukan na siyang bumakbak at naging dahilan ng pagkasira ng ilang bahagi ng mga tulay na mahigit P7 million pesos ang halaga ng napinsala.
Mahigit P2 million pesos naman ang naitalang pinsala sa mga street lights sa Lunsod ng Ilagan.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang monitoring ng City of Ilagan Planning and Development Office para sa mga isasagawang mga hakbang kung paano aayusin ang mga napinsala ng naganap na malawakang pagbaha.