CENTRAL MINDANAO-Nakabiyaya ang mga small-time hog and poultry raisers mula sa iba’t-ibang barangay ng Kidapawan City na naapektuhan ng African Swine Fever o ASF at iba pang kalamidad nitong nagdaang taon ng 2022.
Ito ay sa pamamagitan ng ASF Recovery Program with Distribution of Free-Range Chickens na pinangangasiwaan ng Office of the City Veterinarian kung saan ginanap ang distribution o dispersal ng mga baboy (piglet), manok, at feeds sa OCVET.
Labing-apat na mga nag-aalaga ng baboy o hog raisers at dalawampu’t-dalawang mga nag-aalaga ng manok ang kabuuang bilang ng mga nakabiyaya sa naturang programa na may kasama pang ipinamigay na high quality feeds para sa baboy.
Personal namang sinaksihan ni Kidapawan City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista ang naturang aktibidad kasama si Dr. Eugene Gornez, ang City Veterinarian ng Kidapawan.
Ipinaliwanag ni City Veterinarian Dr. Eugene Gornez sa mga benepisyaryo ng ASF Recovery Program ang layunin ng programa at ito ay upang tulungan ang mga biktima ng ASF na makabawi mula sa negatibong epekto na kanilang naranasan dahil na naturang sakit ng baboy.
Sinabi din niyang dumaan sa proseso tulad ng validation at assessment ang pagpili ng mga benepisyaryo na tunay na nangangailangan ng ayuda ng city government at meron ding counterpart ang mga beneficiaries.
Nagbigay din ng karagdagang impormasyon patungkol sa programa si Chester Freud Dimaano, Animal Dispersal Coordinator at ito ay mahalaga para sa tagumpay ng ASF Recovery Program at animal dispersal.
Laking pasasalamat naman ng mga nakatanggap ang alagang baboy at manok na may kasama pang feeds. Malaking tulong raw ito para maipagpatuloy nila ang kanilang kabuhayan matapos tamaan ng ASF ang kanilang alagang baboy, ayon kay Mary Relampagos, isa sa mga opisyal ng Livestock and Poultry Association of Kidapawan na nakabase sa Barangay Perez, Kidapawan City.
Nagpasalamat din ang iba pang mga benepisyaryo na nagmula sa iba pang barangay.
Ipinaalala naman sa mga nakabiyayang hog and poultry raisers o mga benepisyaro sa kung ano ang kanilang responsibilidad na kailangang sundin at ito ay nakasaad sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement o MOA sa pagitan ng Office of the City Veterinarian at mga beneficiaries.
Samantala, lalo pang natuwa ang mga benepisyaro sa pahayag ni Mayor Evangelista matapos nitong sabihin na hindi na kailangang bayaran pa ng mga benepisyaryo ng alagang baboy ang 50 % ng ayudang kanilang natanggap at sa halip ay libre o wala ng counterpart na alalahanin pa.
Ang kailangan na lamang ay gawin ng beneficiaries ang lahat ng makakaya upang maging matagumpay ang programa at ito ay sa pamamagitan ng wastong pag-aalaga ng mga baboy at manok.
Sa ganitong paraan ay makakabawi o makakabangon muli ang mga maliliit na hog and poultry raisers mula sa iba’t-ibang kalamidad o aberya tulad ng ASF at iba pang sakit ng mga alagang hayop.