CENTRAL MINDANAO – Aabot sa 10 mga maliliit na hog raisers na matinding naapektuhan ng African swine fever (ASF) sa Barangay Paco, Kidapawan City ang tumanggap ng cash assistance sa ilalim ng Department of Agriculture (DA-12) indemnification program.
Ginanap ang distribution ng ayuda sa Barangay Covered Court ng Paco sa lungsod kung saan dumalo sina city veterinarian Dr. Eugene Gornez, provincial veterinarian Dr. Rufino Sorupia, Barangay Paco chairman Edgarlito Elardo, at DA-12 regional livestock coordinator Kirby Joi Garcia.
Ayon kay Garcia, dumaan sa masusing validation ang mga benepisaryo na una ng naapektuhan ng ASF kung saan ay na-depopulate ang kanilang mga alagang baboy.
Tig-P5,000 naman ang ibinigay na ayuda ng DA-12 sa bawat alagang baboy ng mga hog raisers na na-depopulate nitong nakalipas na taon.
Nagpahayag naman ng kagalakan si Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista sa ayudang tinanggap ng mga magbababoy dahil malaki itong tulong at para naman makabawi din sila sa pagkalugi dulot ng ASF.
Ayon naman kay city vet Gornez, pwedeng gamitin ng mga benepisaryo ang natanggap na ayuda para makapagsimula ng iba pang uri ng negosyo habang ‘di pa pinapayagang mag-alaga muli ng mga baboy.
Matatandang idineklara ng ASF-free ang Kidapawan City noong Disyembre 2020 ngunit hindi pa rin pinapayuhan ang mga affected hog raisers na mag-alagang muli ng baboy.
Ilan sa mga hog raisers na nakatanggap ng ayuda ay kinilalang sina Virgilia Apus, Darwin Dublico, Ledelyn Abelo, Jusyl Lunar, at iba pa.
Abot naman sa P480,000 na ayuda ang naipamahagi ng DA-12 sa naturang pagkakataon.