-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Tulad ng iba pang mga barangay na nabiyayaan ng “Sentinel Pigs” matapos masanlata ng African swine flu (ASF) tumanggap din ng kahalintulad na ayuda ang mga apektadong hog raisers mula sa mga barangay ng Mua-an at Paco, Kidapawan City.

Ginanap ang distribution ng mga alagang baboy sa Sitio Mahayahay, Barangay Paco kung saan aabot sa pitong maliliit na hog raisers ang kabuuang beneficiary – tatlo mula sa Barangay Mua-an at apat na hog raisers naman mula sa Barangay Paco.

Ayon kay Kidapawan City veterinarian Dr. Eugene Gornez, abot naman sa siyam na alagang baboy ang naipamahagi sa Barangay Mua-an habang abot sa 24 naman ang sa Barangay Paco.

Maliban rito, namigay din ang DA-12 ng 30 bags ng high quality feeds sa mga benepisaryo sa Mua-an at 80 bags para sa Paco beneficiaries.

Dagdag pa ni Dr. Gornez, may mga veterinary drugs at biologics na ipinamahagi rin sa naturang pagkakataon upang matiyak na maayos ang paglaki ng mga alagang baboy at ligtas sila sa sakit.

Layon ng pamamahahagi ng sentinel pigs ay para malaman kung mayroon pang ASF sa nabanggit na mga barangay kung saan magsisibing test experiment ang ipinamigay na baboy sa pamamagitan ng periodic check-up sa mga ito.

Magtatagal ito ng mula dalawa hanggang apat na buwan at sa oras na negatibo sa ASF ay maari ng magtuluy-tuloy sa repopulation ng alagang baboy ang mga apektadong hog raisers, ayon naman kay Dr. Jobienaur Moscoso, DA-12 Livestock Coordinator.

Sumaksi naman sa distribution at Memorandum of Agreement signing sina punong barangay ng Mua-an na si Paterno Ganzo, Jr. at si Edgarlito Elardo, Punong Barangay ng Paco; mga kagawad ng barangay at si Dr. Clave Cabaya mula sa Office of the Provincial Veterinarian.

Matatandaan na noong September 2, 2021 ay una nang namahagi ang DA-12 ng sentinel pigs sa Barangay Linangkob at Barangay Sikitan, Kidapawan City na matindi ring nasalanta ng ASF noong nakalipas na taon upang matulungan ang mga hog raisers na makabawi mula sa pagkalugi ng kanilang kabuhayan dulot ng ASF.