-- Advertisements --

Pinayagan nang muli ng pamahalaang panlalawigan ng Cavite ang pagbubukas ng mga malls sa probinsya matapos ipasara ng dalawang araw bunsod ng paglabag sa quarantine measures laban sa COVID-19.

Ayon kay Cavite Governor Jonvic Remulla, nagkasundo ang mga mall operators at mga mayor sa probinsya sa operating hours na alas-10:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Ang huling kustomer ng mall ay dapat na umalis ng alas-6:00 ng gabi.

Bibigyan din aniya ang mga mamimili ng “1 hour time pass” para manatili sa loob ng mga establisimento, maliban sa mga magtutungo sa mga supermarket.

Maliban dito, papayagan lamang ang publiko na magtungo sa malls sa kanilang bayan o sa kalapit na lugar.

Exempted naman sa nasabing panuntunan ang mga frontliners na pinapayagang magtungo sa kahit saang mall sa lalawigan.