TUGUEGARAO CITY – Mariing pinabulaanan ng mga opisyal sa Santa Ana, Cagayan na may isang Chinese national na nagpositibo sa novel coronavirus.
Reaksion ito ni Vice Mayor Gaylord Ibus, kasunod nang takot ng ilang mamamayan ng Santa Ana makaraang kumalat sa social media na isa umanong Chinese ang dinala sa pagamutan dahil umano sa 2019-nCoV.
Sinabi ni Ibus na sa ginawa nilang beripikasyon, naospital ang nasabing Intsik dahil sa pananakit ng tiyan.
Dahil dito, sinabi ni Ibus na marami na rin sa mga mamamayan ng Santa Ana ang naka-face mask.
Kaugnay nito, sinabi ni Ibus na mahigpit ang ginagawang pagbabantay sa Northern Cagayan International Airport na madalas na ginagamit ng mga Chinese national para pumunta sa mga casinos sa Santa Ana.
Gayunman, aminado si Ibus na hindi nila kayang i-monitor ang iba pang mga dayuhan na papasok sa Santa Ana sa pamamagitan ng iba pang transportasyon.
Samantala, binigyan diin ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng Cagayan Valley Medical Center na wala pang kaso ng 2019-nCoV sa lokalidad.
Ayon sa kanya, walang katotohanan na may nagpositibo sa nasabing sakit na Chinese sa Santa Ana.
Sinabi niya na ang Department of Health lamang ang maaaring mag-anunsiyo kung may nakapitan ng Ncov at hindi sa pamamagitan ng mga sinasabi sa social media.
Kaugnay nito, sinabi ni Baggao na magtutungo sila sa paliparan sa Lallo para tignan ang monitoring sa mga pumapasok na mga dayuhan.