Isinuko ng ilang mga mamamayan sa New Zealand nitong Sabado ang kanilang mga pag-aaring armas kapalit ng pera.
Inilunsad na kasi ng mga otoridad ang gun buyback scheme na naglalayong alisin sa bansa ang mga semi-automatic weapons dahil na rin sa mosque attacks sa Christchurch.
Ayon sa pulisya, nakapagbayad na sila ng mahigit $290,000 sa 169 gun owners sa naturang okasyon.
Ang pera ay dumidiretso sa mismong bank accounts ng mga gun owners, habang ang isinusukong mga baril ay dinudurog gamit ang mga hydraulic press.
Minadali ng gobyerno, na suportado ng oposisyon, ang pagpasa sa nasabing batas upang mas higpitan pa ang gun laws ng New Zealand.
Sinabi ni Police Minister Stuart Nash na ang kanilang nais ay maialis sa sirkulasyon ang pinakamapanganib na armas.
Matatandaang noong Marso nang pagbabarilin ang 51 Muslim habang nagdadasal sa dalawang moske sa nasabing lugar. (AFP)