Inaprubahan ng Senado ang isang unnumbered resolution na nananawagan para sa suspensiyon ng pagpapatupad ng Inter-Agency Council Against Trafficking’s (IACAT) revised guidelines para sa mga papalabas na Filipino traveller.
Walang senador na tumutol sa resolusyong inihain ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa sesyon ng plenaryo.
Inaprubahan din ng kamara ang isang hiwalay na unnumbered resolution na nagpapahintulot sa pangulo ng Senado na maghain ng petisyon sa Korte Suprema na humihingi ng pansamantalang restraining order laban sa mga binagong panuntunan, kung ituturing na kinakailangan.
Hiniling ni Sen. Koko Pimentel kay Senate President Juan Miguel Zubiri na kausapin ang Inter-Agency Council Against Trafficking, na nasa ilalim ng Department of Justice, para iapela ang pagpapatupad ng mas mahigpit na travel guidelines.
Sinabi ni Zubiri na habang siya ay kaisa ng nasabing konseho sa paghahanap ng mga paraan para protektahan ang mga Pilipino, umaasa siyang magagawa ito nang hindi rin hahadlang ang kanilang karapatang maglakbay.
Kung matatandaan, inaprubahan ng Inter-Agency Council Against Trafficking noong Agosto 23 ang binagong mga alituntunin para sa mga manlalakbay na Pilipinong patungo sa ibang bansa, na naglalayong labanan ang matinding banta ng human trafficking.
Sa ilalim ng inamyendahang travel guidelines, lahat ng Filipino outbound traveller ay sasailalim sa immigration inspection at inaasahang magpapakita ng mga travel documents tulad ng valid passport, boarding pass, visa, at confirmed return or roundtrip ticket.