Mas pursigido sa ngayon ang ilang mambabatas na ayusin ang bentahan at paggamit ng mga electronic cigarettes matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng lung injury sa bansa dahil sa paggamit ng vape.
Sa isang panayam, sinabi ni Anakalusugan party-list Rep. Michael T. Defensor, dapat nang ipagbawal ang pagbibenta ng electronic nicotine-delivery systems (Ends) at iba pang alternatibong tobacco products sa mga menor de edad matapos na ma-ospital ang isang 16-nayos na babae mula sa Central Visayas kasunod ng pitong buwan na paggamit ng vape.
Ayon kay Defensor, vice chair ng House committee on health, hindi rin dapat pinapahintulutan na gawing target ng mga e-cigarette advertisements ang mga kabataan.
Kailangan aniyang palakasin at bigyan ng kapangyarihan ang Food and Drugs Administration (FDA) sa pagsala ng mga vape products upang matiyak na tanging ang mga ligtas na produkto lamang ang maaring ibenta sa mga pamilihan.
Ito ay para na rin maiwasan aniya ang krisis na nangyari sa Estados Unidos kung saan nagkakasakit ang mga gumagamit ng vape.
Nabatid na batay sa datos ng US Centers for Disease Control and Prevention, nakapagtala ng 2,172 kaso ng lung injuries at 42 ang nasawi na iniuugnay sa paggamit ng e-cigarette at vaping,
Samantala, inirekominda naman ni Manila Rep. Cristal Bagatsing, member ng House delegation, na magkaroon ng interagency body na bubuuin ng DOH, FDA, Department of Trade and Industry at Department of Finance.
Ang mga ito ang siyang magsasagawa ng mga pag-aaral kung ligtas nga bang gamitin ang mga Ends products bago pa man ito ibenta sa mga pamilihan.
Iginiit naman ni AAMBIS-Owa party-list Rep. Sharon Garin na may inihain na siyang panukalang batas na naka-angkla sa konsepto na bawasan ang mapanganib na epekto ng paggamit ng vape at iba pang e-cigarettes.
Maghahain din si House Deputy Majority Leader Rep. Bernadette Herrera-Dy ng panukalang batas sa nitong linggo na naglalayong ipagbawal na talaga ang pagbibenta ng mga vaping flavors, maliban na lamang sa tobacco at menthol.
Nililinlang lamang kasi aniya ng mga lasang prutas at iba pang flavors ng vaping juice ang mga mamimili, lalo na ang mga kabataan, kaya nahihilig ang mga ito na gumamit ng vape.