-- Advertisements --

Pinag-iingat ng Simbahan ang mga mananampalataya sa mga aktibidad na gagawin kasabay nang pag-aayuno sa nalalapit na Holy Week.

Ayon kay Fr. Jerome Secillano, ang Executive Secretary ng Permanent Committee on Public Affairs ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, bago pa man nagkaroon ng pandemya ay sinasabi na ng Simbahan sa mga mananampalataya na hindi naman kailangan na magpapako sa krus para lang mapatawad ang kasalanan.

Kung pagpapatawad lang naman ang kailangan, sinabi ni Fr. Jerome na sapat na ang pangungumpisal.

laoang parish church 1
Laoang, Northern Samar church of St Michael the Archangel (photo by Joyjun Balerite-Acol)

Maaari naman kasi aniyang gawin pa rin ang penitensya pero hindi naman ibig-sabihin nito ay kailangan ding saktan ang sarili.

Iginiit ni Fr. Jerome na sa lahat ng mga posibleng gawin para sa nalalapit na Holy Week, ang pinakamahalaga pa rin ay ang pagdarasal.

Ito ay lalo pa at nahaharap pa rin ang bansa sa banta ng Coronavirus Disease 2019, kahit pa pinayagan na ang 100 percent capacity sa mga simbahan sa ilalim ng Alert Level 1.

Kaya naman kahit ang nakaugalian nang Station of the Cross ay puwede naman gawin kahit nasa loob lang ng bahay.

Sa darating na April 10, ay papasok na ang Palm Sunday o Linggo ng Palaspas na siyang hudyat ng pagsisimula ng Holy Week/Mahal na Araw.