KALIBO, Aklan—Umaasa ang mga mananampalataya na masilayan kahit saglit si Pope Francis sa ngayong araw ng Palaspas sa pagsisimula ng mga liturhikong selebrasyon ng Holy Week ngayong taon.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Girlie Ongoco ng Rome, Italy bagama’t hindi siya ang nakatakdang manguna at ipinasa ang responsibilidad para sa Palm Sunday kay Cardinal Leonardo Sandri ay ipinagdadasal pa rin nila na makita ang presensya ng Santo Papa.
Kinumpirma rin aniya ng Vatican na hindi pangungunahan ni Pope Francis ang mga nasabing selebrasyon ngunit posible pa rin ang mga panandaliang pagpapakita ng Santo Papa, tulad ng kanyang naging pagbisita sa Jubilee of the Sick.
Dagdag pa ni Ongoco na patuloy na bumubuti ang kalagayan ng 88 year old Pontiff kabilang na dito ang pagbuti ng kanyang muscular at respiratory systems kung saan, naglalaan siya ng mas mahabang oras na walang paggamit ng oxygen.
Nabatid na sa kabila ng limitadong papel ngayong Holy Week, nakita si Pope Francis sa Casa Santa Marta na nakaupo sa wheelchair at bumisita sa basilika upang manalangin sa libingan ng kanyang mga naunang Santo Papa, partikular kay Pope Pius X at nakipagpulong din siya sa ilang opisyal ng Curia at mga lider mula sa Inglatera, na nagpapakita ng kanyang muling pagbabalik sa mas aktibong pakikisalamuha sa publiko.