Inaasahan ngayon ang muling pagbabalik sa trabaho ng marami sa ating mga kababayan na naapektuhan ng pagpapatupad ng pinahigpit na alert level system ng dahil sa kinakaharap na pandemya ng bansa.
Ito ay matapos na muling ibaba ng pamahalaan sa Alert Level 2 ang buong National Capital Region (NCR) at ilan pang mga lalawigan sa Pilipinas.
Sa Laging Handa Public Briefing ay sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ruth Castelo na batay sa datos ng kagawaran ay tinatayang aabot sa 100,000 hanggang 200,000 ang bilang ng mga manggagawang makakabalik sa trabaho.
Habang ayon naman aniya sa pagtataya ng National Economic and Development Authority (NEDA) ay aabot sa 15,000 ang bilang ng mga trabahong magbabalik kada linggo ngayong ibinaba na ang alert level system sa ilang lugar sa bansa.
Paliwanag niya, nadagdagan pa kasi ng 20% ang bilang ng pinahihintulutang operating capacity sa indoor at oudoor vanue sa ilalim ng Alert Level 2.
Ibig sabihin nito, sa ilalim ng naturang alert level ay magiging 50% na ang dating 30% na indoor capacity sa bawar establisyemento, habang palalawigin naman sa 70% ang operating capacity ng mga outdoor establishments mula sa dating 50% operating capacity nito.
Magugunita na batay sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay nasa kabuuang 13,000 ang bilag ng mga apektadong mga manggagawang natigil at nawalan ng trabaho sa unang dalawang linggo ng implementasyon ng Alert Level 3 sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa nang dahil pa rin sa pagtama ng pandemya sa bansa.