Binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sinumang maghahasik ng kaguluhan ngayong ipinapatupad na lockdown na kaniyang ipababaril sa mga kapulisan at sundalo.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ng pangulo na ito ang kaniyang gagawin kapag nalagay sa kapahamakan ang buhay ng mga nagpapatupad ng batas.
Tiniyak ng pangulo na handa ang mga kapulisan at sundalo na magpatupad ng katahimikan sa ipinapatupad na lockdown.
“Huwag ninyo akong takutin ng gulo-gulo kasi kung gusto talaga ninyo ng gulo, guguluhin natin ang bayan natin tutal wala pa namang pagkain. Kung gusto ninyo nung barilan, eh ‘di sige. Gusto ninyo ng pukpukan, sige. I will not hesitate, my orders are sa pulis pati military, pati mga barangay na pagka ginulo at nagkaroon ng okasyon na lumaban at ang buhay ninyo ay nalagay sa alanganin, shoot them dead, naintindihan ninyo? Patay. Eh kaysa maggulo kayo diyan, eh ‘di ilibing ko na kayo. Ah ‘yung libing, akin ‘yan. Huwag ninyo subukan ang gobyerno kasi itong gobyerno na ito hindi inutil,” wika ng Pangulo.
Magugunitang aabot sa 20 mga nagsagawa ng kilos protesta ang inaresto matapos ang nangyaring kaguluhan sa pagitan nila ng mga kapulisan sa Quezon City.