Humingi ng paumanhin si Agriculture Sec. Manny Piñol kaugnay sa pahayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga mangingisdang Pinoy na huwag munang magtungo sa Scarborough o Panatag Shoal.
Ayon kay Piñol, tanging ang Pangulong Rodrigo Duterte lamang umano ang may karapatang magbitaw ng nasabing mga pahayag.
Nilinaw din ng kalihim na malaya pa rin umanong magtungo ang mga mangingisda sa nasabing pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
“We are not discouraging our fishermen from going to the Panatag Shoal. They are allowed to fish wherever they are allowed to fish,” wika ni Piñol.
Una rito, sinabi ni BFAR Director Eduardo Gongona na ito raw ay dapat na gawin upang maiwasan ang pagtaas lalo ng tensyon sa naturang lugar.
Nagbigay abiso rin ang BFAR sa mga mangingisda na sa municipal waters na lamang muna pumalaot.