DAGUPAN CITY — Nananawagan ang grupo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) sa gobyerno na bigyan ng subsidiya ang mga lokal na mangingisda ng bansa sa gitna ng mga usapin sa pagbabawal ng pagbebenta ng mga imported na isda partikular na ang Pampano at Pink Salmon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Fernando Hicap, ang tumatayong Chairperson ng nasabing ahensya, sinabi nito na dapat ay may naipapamahaging production subsidy sa mga mangingisda ng Pilipinas na patuloy na tinatamaan at labis naaapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, partikular na ang gasolina, kung saan ay halos 80% ng kanilang gastusin ang napupunta rito.
Idiniin din ni Hicap ang kanilang panawagan na P15,000 production subsidy o kaya naman ang pansamantalang pagsuspinde sa Value Added Tax (VAT) at gayon na rin ang excise tax nang sa gayon ay makaluwag-luwag naman ang mga mangingisda sa kanilang mga gastusin.
Maliban dito ay binigyang-diin din ni Hicap ang kahalagahan ng pagsuporta ng gobyerno sa mga mangingisda sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa mga proyektong makatutulong sa pagpapalago sa industriya ng pangingisda, pangangalaga sa mga fishing grounds, ang pagpo-protekta sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa, at pagbawi ng territorial waters sa China.