Nanindigan ang mga mangingisdang Filipino na Chinese vessel ang sumagasa sa kanila nitong weekend sa Recto Bank sa West Philippine Sea.
Ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) MIMAROPA Dir. Elizer Salilig, nakausap na niya ang kapitan ng lumubog na bangka at malinaw ang pagtukoy nito sa responsable sa insidente.
Kwento ng mga mangingisda, nakakasabay na nila sa pamamalakaya ang nasabing vessel kaya batid nilang mula ito sa China.
Matapos raw silang sagasaan, pinatay pa ng mga banyaga ang ilaw habang papalayo.
Sa kabila nito, sinabi naman ni PCG spokesman Capt. Armand Balilo na kahit sinasabing Chinese nga ang dawit sa pangyayari, dapat pa rin itong masuportahan ng mga ebidensya para mapanagot ang mga nasa likod ng pananagasa at pag-abandona sa ating mga kababayan.