BOMBO DAGUPAN — Labis nang naapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisda sa gitna ng nananaig na karahasan ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang naging sentimyento ni Roberto “Ka Dodoy” Ballon, Chairperson ng Katipunan ng mga Kilusan ng Artisanong Mangingisda sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na bagamat dati nang namamalagi ang China sa teritoryo ng bansa ay nasa ibang lebel ang kanilang karahasan ngayon sa mga tripulante at mangingisdang Pilipino.
Aniya na bagamat sumusunod sila sa mga patakaran ng mga kinauukulan, naroroon pa rin ang kanilang pagnanais na ipagpatuloy ang kanilang hanapbuhay sa pinagaagawang karagatan.
Saad nito na habang kaya pa nilang panatilihin ang katahimikan habang sila ay nangingisda sa West Philippine Sea ay ipagpapatuloy din nila ang kanilang pangingisda rito.
Gayunpaman, hindi rin nito natitiyak ang hangganan ng pasensya ng mga maliliit na mangingisda lalo na sa kinakaharap at nararanasan nilang mga dahas at karahasan.
Pagbabahagi nito na 25% ng kabuuang populasyon ng mga mangingisda sa bansa ang direktang apektado sa nananaig na tensyon ngayon sa WPS.
Kaugnay nito ay patuloy din naman ang ginagawa nilang pagorganisa upang mas mapalawak pa ang kanilang pagbibigay ng kaalaman sa nangyayaring mga insidente sa teritoryo ng bansa.
Kabilang na nga rito ang kanilang panawagan para sa negosasyon sa ibang mga bansa, kaalyado man o maging sa China, upang maresolba ang tensyon sa pinagtatalunang karagatan.