KALIBO, Aklan—Hindi magpapasindak ang mga mangingisdang Pinoy at patuloy silang maglalayag sa West Philippine Sea para sa kanilang kabuhayan gayundin upang igiit na may karapatan tayo sa yamang dagat sa karagatan na pagmamay-ari ng bansa.
Ayon kay Leonardo Cuaresma, Presidente ng New Masinloc Fishermen’s Association, kahit na ikinabahala nila ang namataang pinakamalaking coast guard ship sa buong mundo na “The Monster” ng China o CCG 5901 malapit sa Ayungin shoal sa West Philippine Sea ay magpapatuloy ang kanilang buhay at hindi sila magpapadala sa takot para sa pang-araw-araw na ikinabubuhay.
Dagdag pa ni Cuaresma na maaring dahil ito sa ipinatupad na trespassing policy ng China sa nasabing karagatan upang malipol ang mga mangingisdang pumapasok sa inaangkin nilang teritoryo.
Normal na lamang aniya sa kanila na may makitang Chinese militia at ilang naglalakihang barko ng China ngunit, panganib ang dala nito sa kanila sa araw-araw na paglalayag.
Nanawagan din ito sa pamahalaan na pag-igihan pa ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy ang kanilang monitoring at pagbabantay sa West Philippine Sea para sa kaligtasan nilang mga mangingisdang Pinoy.