-- Advertisements --

Tahasang nagbabala si Agriculture Secretary William Dar na kanilang pagmumultahin ang mga mapagsamantalang traders at wholesalers na sinasadya umanong taasan ang presyo ng mga basic food items kagaya ng karne ng baboy.

Ayon kay Dar, sakali umanong mapatunayang guilty, maaaring pagmultahin ang traders at wholesalers na sangkot sa naturang gawain ng hanggang P100-milyon.

Kamakailan din aniya nang buuin nila ang isang sub-task group on economic intelligence sa ilalim ng IATF task group on food security (TGFS) na tututok sa mga nagmamanipula ng suplay at presyo ng mga agricultural products.

“We admit that we have a limited population of hogs in Central Luzon due to the African Swine Fever or ASF since the early part of 2019, but traders and wholesalers are causing the spike in the prices of pork. They are making a large profit margin of more than P200 per kilo, between the farmgate price of live hogs and retail price of pork in public markets. Talagang sobra ang kita nila,” wika ni Dar.

“All evidence points against them, as production cost of hogs ranges only from P105 to P150 per kilo, and the resulting farmgate price of up to P200 per kilo, while market retail prices go as high P400 per kilo. That’s a huge P200-profit margin,” dagdag nito.

Paglalahad pa ng kalihim, ayon daw sa mga hog raisers sa Batangas, kung saan naglalaro ang farmgate prices mula P180 hanggang P200 per kilo, katanggap-tanggap ang P70 hanggang P80 margin sa pagitan ng farmgate at market price.

Upang mapigilan din aniya ang pagtaas pa lalo ng retail price ng baboy at manok, sinabi ni Dar na irerekomenda ng DA kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng price freeze sa naturang mga food items.

Kabilang aniya rito ang P270 kada kilo sa kasim at pigue, P300 sa kada kilo ng liempo, at P160 kada kilo ng karne ng manok.

Samantala, magpapatulong daw ang DA sa Philippine Competition Commission (PCC) upang imbestigahan ang mga traders at wholesalers na umano’y sangkot sa pangmamanipula sa suplay at presyo ng pagkain.

Binalaan din ni Dar ang mga indibidwal at entities na nagpapalutang na may nangyayaring food shortage at iginiit na kailangan daw nila itong patunayan dahil kung hindi ay maaari raw silang maimbestigahan dahil sa pakikipagsabwatan sa mga traders upang magdulot ng panic sa mga konsyumer.