ILOILO CITY – Sinibak na sa pwesto ang ilang matataas na opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) Iloilo at Maritime Industry Authority (Marina) Region 6 kaugnay sa pagtaob ng tatlong mga pumpboats sa Iloilo Strait na ikinamatay ng 31 mga biktima.
Kabilang sa sinibak sa tungkulin ay si Lt. Commander Perlita Cinco, station commander ng Philippine Coast Guard-Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Department of Transportation Secretary Arthur Tugade, sinabi nito na bahagi ito ng standard protocol habang isinasagawa ang imbestigasyon sa sinasabing pagpapabaya ng dalawang mga ahensya dahilan upang mangyari ang trahedya.
Ayon kay Tugade, aalamin nila ang sinunod na proseso at naging basehan ng Philippine Coast Guard at Maritime Industry Authority sa pagpapahintulot sa mga motorbanca na makapaglayag sa kabila ng masamang lagay ng panahon.