Pinakakasuhan ni Sen. Cynthia Villar ang mga may-ari ng tatlong barkong sumadsad at lumubog sa karagatang sakop ng Bataan noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Carina.
Ginawa ng Senadora ang pahayag kasabay ng pagdinig na isinagawa ng Committee on Environment, Natural Resources, and Climate Change ukol sa oil spill na dulot ng lumubog na Terra Nova.
Ayon kay Villar, nagdulot ng malawakang danyos sa ekonomiya at kapaligiran ang paglubog at pagsadsad ng tatlong mga barko, habang naging banta rin ang mga ito sa marine ecosystem at biodiversity, at kabuhayan ng mga mangingisda.
Giit ng Senadora, libo-libong mangingisda rin ang naapektuhan sa oil spill na dulot ng tumagas na langis mula sa MT Terra Nova at nararapat lamang na mapanagot ang may-ari nito, kasama ang dalawang iba pang mga barko na MV Mirola 1, at MT Jason Bradley, mga barkong kinailangan ding bantayan ng Philippine Coast Guard dahil sa pangambang tumagas din ang mga laman nilang langis.
Samantala, tinanong din ni Villar ang mga kinatawan ng iba’t-ibang ahensiya na dumalo sa naturang pagdinig tulad ng PCG, Maritime Industry Authority, at Department of Environment and Natural Resources, ukol sa kasong kahaharapin ng mga may-ari ng tatlong barko.
Ayon sa mga kinatawan, maaari sa loob ng dalawang lingo hanggang isang buwan ay maisampa na ang kaukulang kaso laban sa mga ship owner.
Noong huling lingo nang sunod-sunod na iulat ng PCG ang pagsadsad at paglubog ng tatlong barko sa karagatang sakop ng Bataan.
Pinangangambahan noon ng mga otoridad na magdulot ng pinakamalaking oil spill ang tatagas na langis mula sa Terra Nova dahil sa karga nitong 1.4 million liter ng langis, habang ang dalawang barko ay naglalaman din ng libo-libong litro ng langis na maaari ring tumagas kapag hindi naagapan.