-- Advertisements --

Muling nagbigay ng babala ang mga may-ari ng restaurant tungkol sa muling paglanap ng mga paggamit ng pekeng Persons with Disabilities (PWD) Identification cards, na ayon sa samahan na ang pang-aabuso sa mga diskwento ay nagiging sanhi ng matinding pinansyal na pasanin sa industriya, lalo na sa maliliit na mga negosyo na pinapalakad ng pamilya.

Ayon kay David Sison, isa sa mga may restaurant sa Pilipinas na ang diskwento aniya para sa PWD ay nilikha upang tulungan ang mga indibidwal na may lehitimong kapansanan at hindi para magdulot ng hindi kayang pasanin sa mga negosyo.

‘Ang PWD discount ay ginawa upang suportahan ang mga talagang nangangailangan nito, ngunit ang malawakang pang-aabuso sa mga pekeng PWD card ay ngayon nagpapahirap sa mga restaurant at iba pang negosyo. Marami sa mga tao ang hindi nakakaalam na hindi ang gobyerno ang nagbabayad ng 20% na diskwento—ang mga negosyo mismo ang nag-aabsorb nito. Ang bawat pekeng diskwento ay direktang kinukuha mula sa bulsa ng isang restaurant, kaya’t nakakaltas ito sa kanilang manipis na kita,’ ani Sison sa kaniyang social media post.

Dagdag pa nito para sa mga maliliit na restaurant, aniya isa lamang itong abala kundi maaaring mauwi sa isang matinding financial loss.

‘Para sa mga restaurant, lalo na ang mga maliliit at pinapalakad ng pamilya, hindi lamang ito abala—isang pinansyal na dagok na maaaring magpasya sa pagitan ng pag-survive at pagsasara. Kapag maraming pekeng PWD card ang ginamit sa isang mesa, ang pagkawala ay maaaring maging malaki. Hindi lang ito tungkol sa nawawalang kita; naaapektuhan nito ang mga empleyado, kalidad ng pagkain, at pati ang mga presyo ng menu para sa mga tapat na customer,’ dagdag nito sa kaniyang pahayag.

Nag-udyok ang pagkabahala ng samahan sa isang panawagan para sa mga pagbabago, at humihiling ng mas epektibong mga hakbang sa pag-verify at mas mahigpit na pagpapatupad upang matiyak na ang diskwento ay makararating sa mga talagang nangangailangan.