Pinaalalahanan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga may-ari ng sasakyan na i-update ang pagbabago sa ownership kasunod ng kamakailang road rage killing sa Makati city at pagpatay sa isang LTO official sa Quezon city.
Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II, napakahalaga na panatilihing updated ang mga datos ng sasakyan lalo na sakaling may pagbabago sa nagmamay-ari nito para kapag mayroon mang hindi inaasahang mangyari, iimbestigahan ng LTO ang may-ari na nakarehistro sa database ng LTO.
Maiiwasan din nito ang anumang problemang legal sakaling masangkot sa road rage at iba pang krimen.
Ipinaliwanag din ng LTO chief na ang pangalan na lumalabas sa registration data ng anumang sasakyan ay ikinokonsidera bilang may-ari at driver, ibig sabihin ang naturang indibidwal ang may pananagutan at iimbestigahan.
Ginawa ng LTO official ang naturang pahayag matapos na ilang kaso ng motor vehicle owners ang inisyuhan na ng show-cause order o iniimbestigahan ng kapulisan matapos na ang kanilang sasakyan na dati nilang pagmamay-ari ay nasangkot sa road rage incidents at iba pang krimen.