-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umaangal na sa ngayon ang mga medical workers at staff ng Socsargen General Hospital (SGH) Covid center sa mas dumadami pang mga Coronavirus disease 2019 (COVID-19) patients na dinadala doon maliban pa sa kakulangan ng staff, ventilator at mga gamot.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Surallah Mayor Antonio Bendita, matagal na umanong nagrereklamo ang mga staff ng covid center simula pa noong hindi na-turn-over sa Department of Health (DoH) ang pag-manage ng nabanggit na ospital kung saan may mga nagresign na nga dahil sa sitwasyon at pagkakantala din ng kanilang sweldo at mga kompensasyon.

Ngunit ayon kay Bendita wala siyang magagawa dahil hindi naman ito saklaw ng kanyang pamunuan dahil nasa ilalim ng provincial government ng South Cotabato ang responsibilidad dito.

Ito ay kasabay ng patuloy na pagtaas ng kaso ng covid sa buong lalawigan.

Dahil dito nananawagan ang alkalde sa provincial government na bilisan na ang pag-turn-over ng nasabing pagamutan sa pamamahala ng DoH para mabigyan ng dagdag na budget at maisaayos ang mga facilities para sa mas magandang serbisyo sa mga nangangailangan.

Dagdag pa ni Bendita na dahil hindi pa accredited ng Philhealth ang nasabing covid center ay napipilitan din na gumastos ng malaki ang mga covid patients at pahirap lalo na sa mga mahirap at walang kakayahang gumastos ng kanilang gamot at hospital bill.

Base pa sa datos ng SGH Covid Center, sa ward lamang 13 na mga covid patient ang naka-admit, tatlo ang nasa ICU, habang wala nang available na ventilator na isa namang ipinananawagan ng mga frontliners para sa panggagamot sa mga nadadapuan ng covid.

Samantala, isang 18 years old na babae naman ang binawian ng buhay na residente ng bayan ng Tupi, South Cotabato at nadagdag sa datos ng mga namatay dahil sa virus sa probinsiya.