-- Advertisements --

Maaari ng magpabakuna ng booster dose ang mga kabataan edad 12 hanggang 17 anyos ayon sa Department of Health (DOH).

Ayon kay Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakasaad sa guidelines na lahat ng lokal na pamahalaan o vaccination sites na handa ng magsagawa ng pagbabakuna sa mga minors na mayroong trained healthcare workers at sapat na suplay ng bakuna ay maaari ng magsimula sa pagbabakuna ng booster dose sa mga menor de edad.

Batay sa DOH, tanging ang Pfizer vaccines lamang ang pinapahintulutan sa ngayon na ibakuna bilang unang booster dose sa mga kabataang edad 12 hanggang 17 anyos.

Paalala naman ng ahensiya na ang mga batang kabilang sa pediatric population ay dapat na magpabakuna ng unang booster dose 28 araw ang agwat para sa mga kasali sa listahan ng immunocompromised o may mahinang immune system at 5 buwan naman para sa general population.

Samantala, nilinaw naman ng DOH na ang mga batang edad 5 hanggang 11 anyos ay hindi pa maaaring maturukan ng booster shot.

Paliwanag ng kagawaran na kinukumpleto pa ng Food and Drugs Administration (FDA) at Health Technology Assessment Council (HTAC) ang pagsusuri bago simulan ang pagbabakuna ng booster sa naturang age group.

Nauna ng inaprubahan ang pagbabakuna ng booster dose sa mga menor de edad 12 hanggang 17 anyos noon pang Hunyo 21 subalit hindi pa agad na sinimulan ang pagrolyo ng booster dose sa mga kabataan dahil sa binalangkas pa ang guidelines.