-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Nasa kustodiya ng City Social Welfare and Development Office o CSWDO Shelter ang anim na menor de edad na pinaniniwalaang biktima ng human trafficking.

Ayon kay CSWDO head Rebecca Mangante sa panayam ng Bombo Radyo Gensan, nagsagawa sila ng assessment at nakipag-coordinate sa Talaingod Municipal Social Welfare and Development Office may kinalaman sa kaso ng mga naturang menor de edad.

Napag-alaman na nagpatulong ang mga otoridad matapos ma-intercept sa GenSan Airport ang mga edad tatlong taong gulang lamang, gayundin ang 12 hanggang 16-anyos kung saan ‘di kasama ang mga magulang ng mga ito.

Subalit nang i-evaluate na ng CSWDO ang sinasabing guro na kasama ng mga bata na si Mae Kalig-unan, 25, wala itong mapakitang dokumento at authorization galing sa mga magulang.

Wala ring round trip ticket kung saan ayon dito ay magto-tour sila sa Maynila subalit nang kapanayamin ang mga bata, hindi rin umano nila alam kung saan sila pupunta.

Sinasabing ang mga naharang na menor ay mga lumad ang naka-enroll sa CTG-linked school na Salugpungan Ta’tanu Igkanugon Community Learning Center na nakabase sa Talaingod, Davao Del Norte.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang assessment sa kaso.

Ang guro naman ay kinostudiya ng mga pastor sa United Church of Christ in the Philippines.

Samantala sinabi ni Col. Eduardo Gubat ng Joint task Force Gensan, na ginagamit lamang ang mga menor de edad na propaganda ng New People’s Army (NPA).