Naglunsad ng protest march ang ilang militanteng grupo sa Embahada ng China sa Makati city ngayong araw bago ang paggunita ng Independence day ng Pilipinas.
Bitbit ng mga ito ang mga plakard na may nakasulat na mensahe na naggigiit sa soberanya ng Pilipinas sa harap ng mga agresibong aksiyon ng China sa West Philippine Sea.
Nakiisa din ang mga miyembro ng Atin Ito civil society coalition sa naturang rally na kung matatandaan ay ang naturang grupo ang naglunsad ng 2 civilian mission sa WPS para hatiran ng pagkain at langis ang mga mangingisdang Pilipino na naroon sa lugar.
Sinabi naman ng Akbayan Party sa isang advisory na ang Atin Ito coalition ang magho-host sa WPS Day of Action ngayong araw para igiit ang kasarinlan mula sa agresyon ng China at militarisasyon sa karagatan ng bansa.
Tutugunan din aniya ng naturang protesta ang presensiya at mga aktibidad ng China kabilang ang paggawa ng mga food supply para sana sa tropang sundalo ng PH na naka istasyon sa BRP Sierra Madre, harassment sa medical evacuation team sa Ayungin shoal, pagharang at mapanganib na maniobra laban sa marine researchers ng bansa at presensya ng mga barko ng China sa Basilan Strait at Zamboanga.