-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Ipinasigurado ng Highway Patrol Group (HPG) ang mas ligtas na summer para sa mga motorista at mga pasahero ng mga ito kasabay ng kick off program ng Ligtas Sumvac 2019 sa lungsod ng Baguio.

Inilunsad ang nasabing programa sa pamamagitan ng pag-inspeksiyon na pinangunahan ni HPG-Cordillera chief of operations Police Major Peter Dapliyan sa mga bus, vans at mga pribadong sasakyan sa Baguio para masiguro ang road worthiness at safety gear ng mga ito.

Binisita pa ng HPG at Traffic Unit ng Baguio City PNP ang mga malalaking bus at van terminals sa lungsod kung saan sumakay at kinausap nila ang mga pasahero ukol sa kaligtasan ng mga ito habang sila ay nasa biahe.

Tuluy-tuloy din umano ang mga programa ng mga pulis para mahadlangan ang anomang kaso ng car napping, pagnanakaw at highway robbery.

Samantala, magsisimula na rin sa April 18 ang Search for the 2019 Lucky Summer Visitors ng Baguio na papangunahan ng Baguio Correspondents and Broadcasters Club (BCBC) sa pangununa ni Bombo Jordan Tablac.

Mabibigyan ng higit tatlong araw na red carpet treatment ang mga mapipiling turista na first-time visitors ng Baguio.

Sisimulan ng selection committee ng oldest and largest media organization sa Northern Luzon ang pagpili sa umaga ng April 18 sa Marcos Highway mula sa mga bus na patungo ng Baguio.

Puntirya ng BCBC ang mga turistang millenials dahil sa mga physical activities na nakahanda para sa mga ito.