Nagkaisa ang mga lider ng Kamara de Representantes, Quad Comm, at mga miyembro ng Young Guns sa pagbibigay papuri kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa nakuha nitong mataas na public approval ratings na iniuugnay sa mga tagumpay na naabot ng Mababang Kapulungan at inklusibo at matatag na pamumuno nito.
Ayon kina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales, Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez, at Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, kahanga-hanga ang kakayahan ni Speaker Romualdez sa pagtataguyod ng pagkakaisa sa mga political parties.
Binigyan diin ng mga mambabatas na sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez, ay naipasa ng Kamara ang mga mahahalagang batas.
Kinilala naman nina Reps. Robert Ace Barbers, Dan Fernandez, Joseph Stephen “Caraps” Paduano, Bienvenido “Benny” Abante at Romeo Acop ng Quad Committee si Speaker Romualdez sa pagpapahalaga nito sa pananagutan at mabuting pamamahala sa pamamagitan ng pinatibay na mga tungkulin sa pagsusuri at pangangasiwa.
Binigyang-diin ng mga pinuno ng mega panel ang mga kasalukuyang imbestigasyon tungkol sa hindi tamang paggamit ng mga confidential fund, maging ang mga pagsisiyasat hinggil sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na may kaugnayan sa financial crimes at iba pang iligal na gawain.
Sa bahagi naman ng Young Guns ng Kamara, pinasalamatan ng mga ito si Speaker Romualdez sa kanyang paggabay at inklusibong pamumuno.
Kinilala rin ng mga batang kongresista ang papel ni Speaker Romualdez sa pagtutok upang matiyak na ang kanilang mga inisyatiba para sa kabataan at mga sektor na nasa laylayan ay nabibigyang pansin sa lehislatura.
Sa pamumuno ni Speaker Romualdez, nakamit ng Kamara ang mga makasaysayang tagumpay sa lehislasyon, nakapagproseso ng mahigit 4,760 mga panukala, at napagtibay ng 166 batas sa loob ng 178 araw ng sesyon.
Pinuri rin ng mga mambabatas ang mga pagsisikap ni Speaker Romualdez upang mapanatili ang isang nagkakaisa at maayos na working environment sa Mababang Kapulungan.