-- Advertisements --

LA UNION – Hindi pa rin natitinag sa paghawak sa mga matataas na posisyon bilang halal na opisyal sa lalawigan ng La Union ang angkan ng mga Ortega.

Mananatili sa kanyang posisyon bilang pinuno ng lalawigan si Governor Emmanuel Ortega III matapos itong magwaging muli sa gubernatorial race, habang bise-gobernador naman ang kanyang tiyuhin na si Mario Ortega.

Ang unopposed congressional candidate na si incumbent La Union 1st District Rep. Pablo Ortega na tiyuhin rin ng gobernador ay mananatili sa kanyang puwesto.

Si incumbent San Fernando City Councilor Paolo Ortega na anak ni Rep. Pablo ay nahalal naman bilang provincial board member ng unang distrito ng lalawigan, kasama ang pinsan nito na si Jay Jay Orros.

Ang nakababatang kapatid naman ni Gov. Pacoy na si incumbent San Fenando City vice-mayor Alf Ortega ay nahalal muli na bise-alkalde ng siyudad matapos walang nagtangkang lumaban sa kanya sa halalan, habang panalo rin bilang city councilor ang kanilang tiyuhin na si Monetski Ortega kasama ang mga pinsan na sina Luzan Ortega-Valero at John Orros.

Sa bayan ng San Juan, landslide victory naman si Mannix Ortega na nakababatang kapatid ng gobernador bilang bise-alkalde, habang nahalal naman bilang konsehal ng bahay si Mariquita Ortega na maybahay ni Rep. Pablo.

Sa kabila ng pagkakahalal sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan ay mayroon din nabigo sa mga angkan ng mga Ortega.

Natalo sa mayoralty race ang dalawang kapatid ni Rep. Pablo na sina Pepe Ortega sa lungsod ng San Fernando at Kit Ortega sa bayan ng Luna.

Nabigo naman ang pamangkin ng kongresita na si Michelle Ortega-Pimentel na makamit ang posisyon bilang alkalde ng bayan ng Caba.

Mag-asawa sa politika

Sa katatapos na halalan ay aasahan rin na pamumunuan ng mga mag-asawa ang ilang bayan sa La Union.

Sa bayan ng Bacnotan ay muli na namang nahalal ang bilang alkalde si incumbent Mayor Francis Fontanilla at kasama nitong mamahala sa kanilang bayan ang kanyang maybahay na si Vice-mayor elect Divine Fontanilla.

Pamumunuan naman ng mag-asawang Mayor elect Herminigildo Velasco at incumbent Mayor na ngayo’y Vice-mayor elect Divina Velasco ang bayan ng San Gabriel.

Ang mag-asawang incumbent Naguilian Municipal Mayor na ngayo’y Vice-mayor elect Reynaldo “Bobot” Flores at Mayor elect Nieri Flores ay mamamahala naman sa kanilang munisipyo.

Samantala, sa bayan ng Caba ay muli na namang nahalal bilang alkalde si Mayor elect Philip Crispino, habang panalo naman bilang konsehal ang maybahay nito na si Donna Crispino.