-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Sang-ayon ang pamahalaang panlalawigan ng Quirino na gawing iisa na lamang ang mga travel protocols sa lahat ng mga Local government Units ( LGUs ).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Dakila Carlo Cua ng Quirino, na siya ring Pangulo ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), sinabi niya na sa naging pagpupulong nila kasama ang league of cities of the philippines, umikot ang kanilang talakayan sa pagpapatupad ng iisang travel protocols o pagpapaluwag na ng travel protocols gayunman nilinaw niya na hindi iisa ang posisyon ng mga miyembro ng ULAP.

Aniya bagamat hindi lahat ay pumapabor ay nakikita nilang dapat ng mapag-usapan ang unti-unting pagpapaluwag ng travel restrictions bilang bahagi ng uti-unti ding pagbubukas ng ekonomiya.

Mahirap na rin aniya para sa publikong madalas magbiyahe at tumawid sa isang bayan patungo sa isa pang bayan ang paiba-ibang travel protocols.

May ilang LGUs, ang nagsasagawa ng testing sa kanilang boarder habang ang iba ay hindi na kinakailangan.

May mga LGU ding naghahanap ng mga dokumento tulad ng health certificate at travel authority.

Sang-ayon naman siya sa pagkakaroon ng iisang travel protocol subalit kaIlangan itong suriin ng mabuti upang maging malinaw ang travel protocol.

Hindi naman aniya nangangahulugan na wala ng saysay ang travel pass at health certificate subalit kung mapagpasyahan ng IATF na hindi na ito gawing mandatory document ay dapat na magkaroon pa rin ng spot checking ng travel documents sa mga motoristang makakitaan ng sintomas.