-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Isinara ang mga mosque sa lungsod ng Baguio para matiyak na walang sinumang grupo ng Muslim ang magtitipon kasabay ng obserbasyon ng Ramadan.

Tiniyak ito ni National Commission on Muslim Filipinos Director Abel Macarimpas kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong kasunod ng mga report na mayroon pa rin mga Muslim ang nagtitipon sa mga mosque kahit umiiral ang enhanced community quarantine.

Inamin ni Macarimpas na nakatanggap ito ng report na mayroong isang grupo ng mga Muslim ang nagtitipon sa mosque kapag sila’y nagdarasal.

Gayunpaman, sinabi niyang agad na naaksyonan ang problema at nadagdagan ang kandado sa ginagamit na mosque.

Tiniyak pa ni Macarimpas na lahat ng iba pang mosque sa Baguio City ay nananatiling sarado mula pa noong nagsimula ang ECQ.

Hinihikayat ang mga Muslim na taimtim na magdasal sa kani-kanilang mga tahanan at hindi na sila kailangang magtungo sa mosque ngayong Ramadan para masunod ang social distancing.