-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nananawagan ngayon ang Highway Patrol Group o HPG XII sa mga motorista na bolontaryo nang alisin ang mga illegal attachment at modifications sa kanilang mga motorsiklo.

Ito ay bilang bahagi ng mas pinalakas na enforcement activities ng HPG XII laban sa mga hindi otorisado at hindi tamang paggamit ng mga motorcycle parts, accessories, devices at equipment lalo na ang mga ginagamit bilang booster para sa road racing.

Ayon kay Maj. Roel Villarin, deputy chief ng Highway Patrol Group o HPG Region-12, naglunsad na sila ng crackdown laban sa mga dumaraming modified motorcycle sa mga highway.

Maliban sa mga motorsiklo, binabantayan din umano ng HPG-12 ang mga motorcycle shops na nagbebenta ng hindi otorisdadong mga motorcycle parts at devices na nagbibigay ng serbisyo para sa mga illegal modifications.

Nitong nakaraang linggo, nasa 20 mga motor umano na may illegal attachments ang inimpound sa isinagawang enforcement activities ng HPG-12 at karamihan sa mga ito ang may open pipe na tambutso.

Ang pagbabawal at hindi tamang paggamit ng motorcycle parts, accessories, devices, at equipment ay batay sa Land Transportation Office (LTO) Administrative Order No. ACL 2009-018 at Department of Transportation -LTO-Land Transportation Franchising and Regulatory Board Joint Administrative Order 2014-01.

Sa ilalim ng batas, mahaharap sa multa na hindi bababa sa P5,000 ang lalabag sa batas at pagka-impound ng motorsiklo.