-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Na-stranded ng ilang oras ang mga motorista sa national highway sa bayan ng Makilala, North Cotabato matapos na binaha ang lugar dala ng malakas na buhos ng ulan kung saan kumalat ang mga debris sa daan.

Agad naman na pinadalhan ng road grader ng LGU-Makilala ang national highway at isinagawa ang clearing operation upang makadaan ang mga motorista.

Samantala, muli naming nakaranas ng malawakang pagbaha ang ilan pang mga barangay sa mga bayan ng President Roxas, Pigcawayan at Pikit sa nasabing probinsiya.

Napag-alaman na umpaw ang ilog sa may overflow bridge na nagdudugtong sa bayan ng Pigcawayan at Barangay Dinganen sa Buldon, Maguindanao kaya’t apektado ang mga residente na nakatira malapit sa lugar.

Inihayag naman ni Engr. Arnulfo Cruz, chief of operations ng North Cotabato na sa ngayon nasa mahigit 3 libong ektarya na ng pananim ang sinira ng baha at nasa P10 milyon na rin ang inisyal na pinsala sa mga pananim.