-- Advertisements --
Screenshot 2021 01 09 13 44 56

BACOLOD CITY – Hindi rin makapaniwala ang mga barangay officials sa northern Negros Occidental sa nangyaring pagbaha simula kagabi hanggang kaninang umaga.

Nagtiis ang mga motorista sa masikip na daloy ng trapiko sa Barangay San Jose, EB Magalona matapos umapaw ang tubig sa national highway.

Kinailangan pang magpalitan ang magkabilang lane sa pagtawid sa Tiniyaban Bridge dahil sa taas ng tubig kung kaya’t naantala ang byahe ng mga motorista mula at papuntang Bacolod.

Kinalaunan, nakatawid na rin ang mga motorsiklo, tricycle at kotse sa tulay, kasama ang malalaking truck.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Punong Barangay Willy Guilaran, umapaw ang Malugo River at Malisbog River kaya’t ang kanilang barangay ang nagsisilbing catchbasin ng tubig.

Ayon kay Guilaran, 80 porsyento ng mahigit 3,000 kabahayan sa Barangay San Jose ang apektado ng pagbaha.

Hindi naman inasahan ng mga residente na malagpasan ng baha kaninang madaling-araw ang lalim ng tubig-baha na kanilang dinanas isang linggo na ang nakararaan.

Maliban sa Barangay San Jose, binaha rin ang Barangays Tanza, Sto. NiƱo at Barangay Latasan, EB Magalona kasabay ng pagsalubong ng tubig mula sa ilog at high tide.

Sumikip din ang daloy ng trapiko sa bayan ng Toboso dahil sa pag-apaw ng tubig sa national highway.