CENTRAL MINDANAO-Pinatigil at saka hinanapan ng driver’s license at kaukulang dokumento ng kanilang mga sasakyan ang mga motorista, tricycle drivers, at maging nagtutulak ng kariton (bote-bakal) sa kahabaan ng national highway sa Kidapawan City.
Ngunit laking sorpresa nila ng sa halip bigyan ng citation ticket ay regalo ang iniabot sa kanila ng mga elemento ng Traffic Management and Enforcement Unit o TMEU Kidapawan, Land Transportation Office o LTO at Kidapawan City Police.
Bahagi pala ito ng Operation Dakop Luntiang Pamaskong Handog ng City Government of Kidapawan na naglalayong ipadama sa mga drivers ang pagbibigayan bilang diwa ng Pasko.
Abot sa 60 na mga drivers at nagtutulak ng kariton sa highway ang nabiyayaan ng Christmas Gift Pack na naglalaman ng 5 kilos quality rice, noodles, canned goods, coffee, tooth paste, gatas, at sabon.
Magagamit nila ito sa loob ng ilang araw na pangangailangan at makakatipid pa dahil hindi na kailangang bumili o gumasto pa.
Matapos matanggap ang mga regalo, isa-isang nagpasalamat ang mga drivers at sinabing hindi nila akalain na regalo ang matatanggap mula sa mga men in uniform.
Nagpasalamat din sila kay Mayor Atty Jose Paolo Evangelista na siyang gumawa ng konsepto ng Operation Dakop Luntiang Pamaskong Handog dahil napapasaya nito ang mga drivers at pamilya ng mga ito.
Sa panig naman ng otoridad ay pinaalalahanan ng mga ito ang mga drivers na mag doble-ingat sa pagmamaneho at tiyaking maayos ang kondisyon ng sasakyan bago bumiyahe.
Pinayuhan din nila ang mga motorista at tricycle drivers na tiyaking kumpleto ang dokumento ng sasakyan at ugaliing magdala ng lisensiya kapag nagmamaneho.